Iginuhit ko ang Tayo
- Rose Ann Solo
- Aug 10, 2016
- 2 min read
Ilang beses kong iginuhit ang kinabukasan nating dalawa. Sa pag-aakala na sa huli ay malalaman
mong ako ang iniibig mo.
Ilang beses kong sinubukang gawing perpekto ang bawat linya ng mukha mo, ang hugis ng iyong
matatamis na ngiti sa tuwing nakikita mo siya, ang kislap ng iyong mata sa tuwing ibinabahagi
mo ang kinabukasan mo kasama siya, at ang mga kamay mong hindi mapakali kapag
nagkukwento ka tungkol sa kanya.
Ilang beses akong nagpuyat, nawalan ng tulog at nakipaglaro sa aking pambura upang alalahanin
lahat ng mga pagkakataon na ako ang dahilan ng iyong pagngiti. Ilang beses akong nakipag- away sa sarili upang paniwalain na akin nga iyon, na minsan sa buhay mo, hinayaan mo akong
magpakasasa sa pag-ibig ko sa'yo.
Alam mo ba kung ilang beses nilipad ng hangin ang pag-ibig ko sa'yo? Ilang beses akong nag- aksaya ng mga papel para lang isulat lahat ng nararamdaman ko. Pero laging hindi tama ang
pagkakataon, laging mali ang lugar at ang panahon. Minsan masyadong maaga para mailathala
ko lahat ng itinago ko mula noong una pero madalas, lagi akong huli para sabihin pa ang dapat
kong sabihin. Binulong ko minsan sa hangin na dalhin niya ang mga eroplanong papel patungo
sa'yo. Pero hindi niya yata narinig...katulad mo na walang ibang naririnig kundi ang pagtibok ng
puso niya.
Ilang beses kong pinilit na subukang muli ang pagguhit sa kinabukasan nating dalawa. Ngunit
malabo na ang aking paningin, pagod na ang aking mga kamay, napuno na rin ng tubig ang aking
papel, paubos na ang tinta ng aking panulat, wala na ring espasyo ang hangin o ang basurahan
para umulit pa. Ito na ang huli. Ito na ang wakas.
At sa huling pagsubok kong muli, alam kong dapat kong tanggapin na wala ng bukas pa.
Mayroon lamang kahapon at ngayon. Kahit ikaw ang gusto kong makasama sa kinabukasan ko,
wala akong pwesto sa'yo. Hindi ako magrereklamo. Hindi na ako iiyak. Hindi na ako aasa pa.
Pero masasaktan ako. At hindi ko kayang pigilan iyon.
Ilang beses kong iginuhit ang kinabukasan nating dalawa. At sa huling paglapat ng aking lapis sa
papel ay ibinaliktad ko ito. Hinayaan kong paulit-ulit na dumampi ang pambura sa igunihit kong
tayo. Hinayaan kong ako ang mabura sa kinabukasan mo. Ako na lang ang mawawala sa'yo pero
hindi ikaw sa akin. Binura ko ang sigarilyong tanging naglalapit sa ating mga labi. Binura ko ang
matangos mong ilong na nais ko sanang halikan. Binura ko ang malamlam mong mga mata na
kumikislap lang kung siya ang kaharap. Binura ko ang paborito kong damit mo na lagi mong
isinusuot sa tuwing tayo'y nagkikita. Binura ko lahat ng magpapaalala sa'yo. Unti-unti kitang
kalilimutan.
Ilang beses kong iginuhit ang kinabukasan nating dalawa. Sa pag-aakala na sa huli ay malalaman
mong ako ang iniibig mo. Sa patuloy na pag-asa na sa huli ay may tayo. Pero mali ako. Walang
tayo. Mayroon lamang isang tao sa iginuhit ko. At hindi na ikaw iyon. Panahon na para mahalin
ko naman ang sarili ko.
Sample Literary Work
Comments