top of page

Liham para sa mga Lumad at Katutubo

  • Rose Ann Solo and Aira Morales
  • Aug 10, 2016
  • 2 min read

Mga kapatid naming Lumad at katutubo,

Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, sa hirap o ginhawa, sa dilim o liwanag, tayo ay magkakapatid. Wala sa wika, sa kulay ng balat, o sa kinagisnang kultura at tradisyon ang dapat na humadlang sa atin sapagkat sa iisang bansa tayo nanahan. Sa iisang bansa tumitibok ang ating mga puso upang ipaglaban ang ating mga karapatan sa ating Inang Bayan.

Ngunit sa itinagal ng panahon ay tila nawala ang pagkakaisa na taglay natin noon. Naapektuhan ng iba’t ibang mananakop ang aming kaisipan, binago ang mga ideolohiyang sa bayan nakaugat at marami ang nalinlang. Sa dinami-rami ng pagkakataon na baguhin namin iyon ay nagpatuloy kaming mabuhay sa ginawa nilang katotohanan, ang mga maling impormasyon at kasaysayan ay hindi na napalitan ng tamang kaalaman. Para sa aming mga pagkakamali mula noon hanggang ngayon, malugod kaming humihingi ng tawad.

Gusto naming humingi ng tawad para sa lahat ng mga pagkakataon na ikinahon namin ang inyong mga pagkatao. Gusto naming humingi ng tawad sa mga panahong hindi namin kayo nabigyan ng tamang pagpapahalaga, sa kakulangan ng atensyon ng midya, sa ilang beses na inabuso at pinagkaisahan kayo ng kapwa ninyo mismo, sa mga pagkakataon na naramdaman ninyong wala na kayong pag-asa, na nag-iisa na lang kayong lumalaban. Higit sa lahat, gusto naming humingi ng tawad sa nakakabinging katahimikan, sa lahat ng pagkakataon na hindi namin kayo naipagtanggol, na nawalan kayo ng tirahan at mahal sa buhay, sa ilang beses na napagsamantalahan kayo sa iba’t ibang aspeto at antas. Patawad sa mga pagkakataon na pinili naming itikom ang aming mga bibig. Dahil sa katahimikan namin, patuloy kayong nahihirapan, patuloy kayong nagiging dayuhan sa sarili niyong lupa. Dahil sa aming katahimikan, patuloy kayong napagkakaitan ng mga karapatan na matagal niyo nang dapat tinatamasa.

Sa ngalan ng mga patuloy na naghahanap ng mga pagkakataon upang masamantala ang inyong kalagayan, kami ay humihingi ng tawad. Lalo na sa walang sawang paggamit at pagturing sa inyo ng midya bilang isang malaking palabas. Walang punchline, script, o pose ang sasalamin sa kabuuan ng inyong pagkatao. Hindi sa panlabas ninyong anyo, angulo ng inyong mukha, o kakaibang pananamit ang magpapahayag sa mga karanasang inyong dinanas.

Mahal namin kayo. At maiintindihan namin kung hindi kayo maniniwala sa dami ng mga nanlinlang at nanamantala sa inyong mga busilak na puso. Ngunit gusto naming malaman ninyo na hindi pa huli ang lahat. Hindi pa natatapos ang laban dahil sa kabila ng mga gahamang mga tao, ay mayroong libong nakikiisa at hindi susuko para kayo’y ipaglaban. Mga kapatid, ang laban ninyo’y amin rin. Ang bigat sa inyong mga balikat ay pasan din namin. Hindi na dapat kayo manatiling tahimik. Ang mga boses niyo’y dapat nang marinig. Ang mga hinaing niyo’y dapat nang mabigyan ng aksyon. Ang lupang sa inyo’y dapat ibalik. Ang tamang edukasyon, dapat sa inyo’y maibigay. Payapang pamumuhay, dapat na ninyong matamasa.

Kapatid, kapit-bisig nating haharapin, ipagsisigawan, at imulat ang puso ng ating mga kababayan! Hindi kayo nag-iisa. Kami’y lagi ninyong kasangga, karamay, ano pa man ang ating sapitin.

Nagmamahal, Mga Kabataan Ang Pag-asa ng Bayan

Written for organization's statement on National Indigenous People's Day


 
 
 

Comments


Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page